Juan 8
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Datapuwa't si Jesus ay napasa bundok ng mga Olivo. 2At pagka umaga ay nagbalik siya sa templo, at ang buong bayan ay lumapit sa kaniya; at siya'y naupo, at sila'y tinuruan. 3At dinala sa kaniya ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pangangalunya; at nang mailagay siya sa gitna, 4Ay sinabi nila sa kaniya, Guro, nahuli ang babaing ito sa kasalukuyan ng pangangalunya. 5Sa kautusan nga ay ipinagutos sa amin ni Moises na batuhin ang mga ganyan: ano nga ang iyong sabi tungkol sa kaniya? 6At ito'y kanilang sinabi, na siya'y sinusubok, upang sa kaniya'y may maisumbong sila. Datapuwa't yumuko si Jesus, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa. 7Datapuwa't nang sila'y nangagpatuloy ng pagtatanong sa kaniya, ay umunat siya, at sa kanila'y sinabi, Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya. 8At muli siyang yumuko, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa. 9At sila, nang ito'y kanilang marinig, ay nagsialis na isa-isa, na nagpasimula sa katandatandaan, hanggang sa kahulihulihan: at iniwang magisa si Jesus at ang babae, sa kinaroroonan nito, sa gitna. 10At umunat si Jesus, at sa kaniya'y sinabi, Babae, saan sila nangaroroon? wala bagang taong humatol sa iyo? 11At sinabi niya, Wala sinoman, Panginoon. At sinabi ni Jesus, Ako man ay hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo'y huwag ka nang magkasala.

12Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan. 13Sinabi nga sa kaniya ng mga Fariseo, Nagpapatotoo ka sa iyong sarili; hindi totoo ang patotoo mo. 14Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Bagama't ako'y nagpapatotoo sa akin din, ay totoo ang aking patotoo; sapagka't nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako paroroon; datapuwa't hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako paroroon. 15Nagsisihatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kanino mang tao. 16Oo, at kung ako'y humahatol, ang hatol ko'y totoo; sapagka't hindi ako nagiisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin. 17Oo, at sa inyong kautusan ay nasusulat, na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18Ako ang nagpapatotoo sa akin din, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo sa akin. 19Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Saan naroroon ang iyong Ama? Sumagot si Jesus, Hindi ninyo nakikilala ako, ni ang aking Ama: kung ako'y inyong makilala, ay makikilala rin ninyo ang aking Ama. 20Sinalita niya ang mga salitang ito sa dakong kabang-yaman, nang nagtuturo siya sa templo: at walang taong humuli sa kaniya; sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras.

21Muli ngang sinabi niya sa kanila, Yayaon ako, at ako'y inyong hahanapin, at mangamamatay kayo sa inyong kasalanan: sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon. 22Sinabi nga ng mga Judio, Siya kaya'y magpapakamatay, sapagka't kaniyang sinabi, Sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon. 23At sa kanila'y kaniyang sinabi, Kayo'y mga taga ibaba; ako'y taga itaas: kayo'y mga taga sanglibutang ito; ako'y hindi taga sanglibutang ito. 24Sinabi ko nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. 25Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Sino ka baga? Sinabi sa kanila ni Jesus, Siya rin na sinalita ko sa inyo mula pa nang una. 26Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya'y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan. 27Hindi nila napagunawa na tungkol sa Ama ang kaniyang sinasalita sa kanila. 28Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga ang Cristo, at wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama. 29At ang nagsugo sa akin ay sumasa akin; hindi niya ako binayaang nagiisa; sapagka't ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya'y nakalulugod. 30Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito, ay maraming nagsisampalataya sa kaniya.

31Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko; 32At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo. 33Sa kaniya'y kanilang isinagot, Kami'y binhi ni Abraham, at kailan ma'y hindi pa naging alipin ninomang tao: paanong sinasabi mo, Kayo'y magiging laya?

34Sinagot sila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailan man: ang anak ang nananahan magpakailan man. 36Kung palayain nga kayo ng Anak, kayo'y magiging tunay na laya. 37Talastas ko na kayo'y binhi ni Abraham; gayon ma'y pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagka't ang salita ko'y hindi magkasiya sa inyo. 38Sinasalita ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama: at ginagawa rin ninyo ang mga bagay na inyong narinig sa inyong Ama.

39Sila'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Si Abraham ang aming ama. Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Kung kayo'y mga anak ni Abraham, ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham. 40Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham. 41Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama. Sinabi nila sa kaniya, Hindi kami inianak sa pakikiapid; may isang Ama kami, ang Dios. 42Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka't ako'y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka't hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako. 43Bakit hindi ninyo napaguunawa ang aking pananalita? sapagka't hindi ninyo mangyayaring dinggin ang aking salita. 44Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito. 45Nguni't dahil sa sinasabi ko ang katotohanan, ay hindi ninyo ako sinasampalatayanan. 46Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi ninyo ako sinasampalatayanan? 47Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios.

48Nagsisagot ang mga Judio at sa kaniya'y sinabi, Hindi baga magaling ang aming pagkasabi na ikaw ay isang Samaritano, at mayroon kang demonio? 49Sumagot si Jesus, Ako'y walang demonio; kundi pinapupurihan ko ang aking Ama, at ako'y inyong sinisiraan ng puri. 50Nguni't hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian: may isang humahanap at humahatol. 51Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi siya makakakita magpakailan man ng kamatayan. 52Sinabi ng mga Judio sa kaniya, Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonio. Namatay si Abraham, at ang mga propeta; at sinasabi mo, Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailan man ang kamatayan. 53Dakila ka pa baga sa aming amang Abraham, na namatay? at nangamatay ang mga propeta: sino ang ipinalalagay mo sa iyong sarili? 54Sumagot si Jesus, Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang anoman: ang aking Ama'y siyang lumuluwalhati sa akin; na tungkol sa kaniya'y sinasabi ninyo, na siya'y inyong Dios; 55At hindi ninyo siya napagkilala: nguni't nakikilala ko siya; at kung aking sasabihin, na hindi ko siya nakikilala, ay ako'y matutulad sa inyo, na sinungaling: datapuwa't nakikilala ko siya, at tinutupad ko ang kaniyang salita. 56Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita ang aking araw; at nakita niya, at natuwa. 57Sinabi nga sa kaniya ng mga Judio, Wala ka pang limangpung taon, at nakita mo si Abraham? 58Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago ipinanganak si Abraham, ay ako nga. 59Sila nga'y nagsidampot ng mga bato upang ihagis sa kaniya: datapuwa't nagtago si Jesus, at lumabas sa templo.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

John 7
Top of Page
Top of Page