Hebreo 10
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Sapagka't ang kautusan na may isang anino ng mabubuting bagay na darating, hindi ang tunay na larawan ng mga bagay, kailan pa man ay di maaaring magpasakdal sa mga nagsisilapit sa pamamagitan ng mga hain na laging inihahandog sa taon-taon. 2Sa ibang paraan ay hindi kaya baga nagsipaglikat sila ng paghahandog? sapagka't ang mga nagsisisamba, yamang nalinis na minsan, ay hindi na sana nagkaroon pa ng budhi sa mga kasalanan. 3Nguni't sa mga hain yaon ginagawa ang pagaalaala sa mga kasalanan taon-taon. 4Sapagka't di maaari na ang dugo ng mga baka at ng mga kambing ay makapagalis ng mga kasalanan.

5Kaya't pagpasok niya sa sanglibutan, ay sinasabi, Hain at handog ay hindi mo ibig. Nguni't isang katawan ang sa akin ay inihanda mo;

6Sa mga handog na susunugin at mga haing patungkol sa mga kasalanan ay hindi ka nalugod.

7Nang magkagayo'y sinabi ko, Narito, ako'y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.) Upang gawin, Oh Dios, ang iyong kalooban.

8Sa itaas ay sinasabi, Mga hain at mga handog at mga handog na susunuging buo at mga haing patungkol sa kasalanan ay hindi mo ibig, at di mo rin kinalulugdan (mga bagay na inihahandog ayon sa kautusan), 9Saka sinabi niya, Narito, ako'y pumarito upang gawin ang iyong kalooban. Inaalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa. 10Sa kaloobang yaon tayo'y pinapaging-banal, sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Cristo na minsan magpakailan man.

11At katotohanang ang bawa't saserdote na araw-araw ay nangangasiwa ng patayo at naghahandog na madalas ng gayon ding mga hain, na hindi makaalis kailan pa man ng mga kasalanan: 12Nguni't siya, nang makapaghandog ng isa lamang hain patungkol sa mga kasalanan magpakailan man, ay umupo sa kanan ng Dios; 13Buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kaniyang mga kaaway ay maging tungtungan ng kaniyang mga paa. 14Sapagka't sa pamamagitan ng isang paghahandog ay kaniyang pinasakdal magpakailan man ang mga pinapagiging-banal. 15At ang Espiritu Santo ay nagbibigay patotoo rin naman sa atin; sapagka't pagkasabi niya na,

16Ito ang tipang gagawin ko sa kanila Pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang puso, At isusulat ko rin naman sa kanilang pagiisip;

17At ang kanilang mga kasalanan at kanilang mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.

18At kung saan may kapatawaran ng mga ito ay wala nang paghahandog na patungkol pa sa kasalanan.

19Mga kapatid, yamang may kalayaan ngang makapasok sa dakong banal sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, 20Sa pamamagitan ng daang bago at buhay na kaniyang itinalaga sa atin, sa pamamagitan ng tabing, sa makatuwid baga'y sa kaniyang laman; 21At yamang may isang Dakilang Saserdote na pangulo sa bahay ng Dios; 22Tayo'y magsilapit na may tapat na puso sa lubos na pananampalataya, na ang ating mga puso na winisikan mula sa isang masamang budhi: at mahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig, 23Na ating ingatang matibay ang pagkakilala ng ating pagasa upang huwag magalinlangan: sapagka't tapat ang nangako: 24At tayo'y mangagtinginan upang tayo'y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa; 25Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa't isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.

26Sapagka't kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, 27Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway. 28Ang magpawalang halaga sa kautusan ni Moises sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay mamamatay na walang awa: 29Gaano kayang higpit ng parusa, sa akala ninyo, ang ihahatol na nauukol doon sa yumurak sa Anak ng Dios, at umaring di banal sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kaniya, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya? 30Sapagka't ating nakikilala yaong nagsabi, Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti. At muli, Huhukuman ng Panginoon ang kaniyang bayan. 31Kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Dios na buhay.

32Datapuwa't alalahanin ang mga nakaraang araw, na sa mga yaon, pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nangagtiis kayo ng malaking pakikilaban ng mga pagbabata; 33Na una una ay naging isang katawatawa dahil sa mga pagkasiphayo at gayon din sa mga kahirapan; at sa ikalawa, ay naging kasama niyaong mga inaring gayon. 34Sapagka't kayo'y nangahabag sa mga may tanikala, at tinanggap ninyo ng buong galak ang pagkaagaw ng inyong pag-aari, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayo sa inyong sarili ng isang pag-aaring lalong mabuti at tumatagal. 35Huwag nga ninyong itakuwil ang inyong pagkakatiwala, na may dakilang ganting-pala. 36Sapagka't kayo'y nangangailangan ng pagtitiis, upang kung inyong magawa ang kalooban ng Dios, ay magsitanggap kayo ng pangako.

37Sapagka't sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat.

38Nguni't ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa.

39Nguni't tayo'y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan; kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Hebrews 9
Top of Page
Top of Page