Mateo 14
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Nang panahong yao'y narinig ni Herodes na tetrarka ang balita tungkol kay Jesus, 2At sinabi sa kaniyang mga tagapaglingkod, Ito'y si Juan Bautista; siya'y muling nagbangon sa mga patay; kaya't ang mga kapangyarihang ito ay nagsisigawa sa kaniya.

3Sapagka't hinuli ni Herodes si Juan, at siya'y iginapos, at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kaniyang kapatid. 4Sapagka't sinabi ni Juan sa kaniya, Hindi matuwid sa iyo na aariin mo siya. 5At nang ibig niyang ipapatay siya, ay natakot siya sa karamihan, sapagka't siya'y kanilang ibinibilang na propeta.

6Datapuwa't nang dumating ang araw na kapanganakan kay Herodes, ay sumayaw sa gitna ang anak na babae ni Herodias, at kinalugdan ni Herodes. 7Dahil dito'y kaniyang ipinangakong may sumpa na sa kaniya'y ibibigay ang anomang hingin niya. 8At siya, na inudyukan ng kaniyang ina, ay nagsabi, Ibigay mo sa akin dito na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista. 9At namanglaw ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang mga sumpa, at sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay ipinagutos niyang ibigay na sa kaniya; 10At nagutos siya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga: at dinala nito sa kaniyang ina. 12At ang kaniyang mga alagad ay nagsiparoon, at kanilang binuhat ang bangkay, at kanilang inilibing; at sila'y nagsialis at isinaysay kay Jesus.

13Nang marinig nga ito ni Jesus, ay lumigpit sila mula roon, sa isang daong na nasa isang dakong ilang na bukod: at nang mabalitaan ito ng mga karamihan, ay nangaglakad sila na sumunod sa kaniya mula sa mga bayan. 14At siya'y lumabas, at nakita ang isang malaking karamihan, at nahabag siya sa kanila, at pinagaling niya ang sa kanila'y mga may sakit.

15At nang nagtatakipsilim na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Ilang ang dakong ito, at lampas na sa panahon; paalisin mo na ang mga karamihan, upang sila'y magsiparoon sa mga nayon, at sila'y mangakabili ng kanilang makakain. 16Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi kailangang sila'y magsialis; bigyan ninyo sila ng makakain. 17At sinasabi nila sa kaniya, Wala tayo rito kundi limang tinapay at dalawang isda. 18At sinabi niya, Dalhin ninyo rito sa akin. 19At ipinagutos niya sa mga karamihan na sila'y magsiupo sa damuhan; at kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan. 20At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at kanilang pinulot ang lumabis na pinagputolputol, na labingdalawang bakol na puno. 21At ang mga nagsikain ay may limang libong lalake, bukod pa ang mga babae at ang mga bata.

22At pagdaka'y pinapagmadali niya ang kaniyang mga alagad na magsilulan sa daong, at magsiuna sa kaniya sa kabilang ibayo, hanggang pinayayaon niya ang mga karamihan. 23At pagkatapos na mapayaon niya ang mga karamihan, ay umahon siyang bukod sa bundok upang manalangin: at nang gumabi na, ay siya'y nagiisa doon. 24Datapuwa't ang daong ay nasa gitna na ng dagat, na hinahampas ng mga alon; sapagka't pasalungat sa hangin. 25At sa ikaapat na pagpupuyat ng gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat. 26At nang makita siya ng mga alagad na lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay nangagulumihanan sila, na nangagsasabi, Multo! at sila'y nagsisigaw dahil sa takot. 27Datapuwa't pagdaka'y nagsalita sa kanila si Jesus, na nagsasabi, Laksan ninyo ang inyong loob; ako nga: huwag kayong mangatakot.

28At sumagot sa kaniya si Pedro, at nagsabi, Panginoon, kung ikaw nga, ay papariyanin mo ako sa iyo sa ibabaw ng tubig. 29At sinabi niya, Halika. At lumunsad si Pedro sa daong, at lumakad sa ibabaw ng tubig upang pumaroon kay Jesus. 30Datapuwa't pagkakita niyang malakas ang hangin, ay natakot siya, at nang siya'y malulubog, ay sumigaw, na nagsasabi, Panginoon, iligtas mo ako. 31At pagdaka'y iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya, at sa kaniya'y sinabi, Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nagalinglangan? 32At pagkalulan nila sa daong, ay humimpil ang hangin. 33At ang mga nasa daong ay nagsisamba sa kaniya, na nangagsasabi, Tunay na ikaw ang Anak ng Dios.

34At nang makatawid na sila, ay narating nila ang lupa ng Genezaret. 35At nang siya'y makilala ng mga tao sa dakong yaon, ay nangagpabalita sila sa palibotlibot ng buong lupaing yaon, at sa kaniya'y dinala ang lahat ng mga may sakit; 36At ipinamamanhik nila sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit: at ang lahat ng nangagsihipo ay pawang nagsigaling.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Matthew 13
Top of Page
Top of Page