Mga Taga-Roma 16
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Ipinagtatagubilin ko sa inyo si Febe na ating kapatid na babae, na lingkod sa iglesia na nasa Cencrea: 2Upang tanggapin ninyo siya sa Panginoon, ayon sa nararapat sa mga banal, at tulungan ninyo siya sa anomang bagay na magiging kailangan niya sa inyo: sapagka't siya nama'y naging katulong ng marami, at ng aking sarili naman.

3Batiin ninyo si Prisca at si Aquila na aking mga kamanggagawa kay Cristo Jesus, 4Na ipinain ang kanilang mga leeg dahil sa aking buhay; na sa kanila'y hindi lamang ako ang nagpapasalamat, kundi naman ang lahat ng mga iglesia ng mga Gentil: 5At batiin ninyo ang iglesia na nasa kanilang bahay. Batiin ninyo si Epeneto na minamahal ko, na siyang pangunahing bunga ng Asia kay Cristo. 6Batiin ninyo si Maria, na lubhang nagpagal sa inyo. 7Batiin ninyo si Andronico at si Junias, na aking mga kamaganak, at mga kasama ko sa pagkabilanggo, na siyang mga bantog sa mga apostol, na sila nama'y nangauna sa akin kay Cristo. 8Batiin ninyo si Ampliato na aking minamahal sa Panginoon. 9Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo, at si Estaquis na minamahal ko. 10Batiin ninyo si Apeles na subok kay Cristo. Batiin ninyo ang mga kasangbahay ni Aristobulo. 11Batiin ninyo si Herodion na aking kamaganak. Batiin ninyo ang mga kasangbahay ni Narciso, yaong nangasa Panginoon. 12Batiin ninyo si Trifena at si Trifosa, na nangagpapagal sa Panginoon. Batiin ninyo si Persida na minamahal, na lubhang nagpagal sa Panginoon. 13Batiin ninyo si Rufo na hinirang sa Panginoon, at ang kaniyang ina at akin. 14Batiin ninyo si Asincrito, si Flegonte, si Hermes, si Patrobas, si Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila. 15Batiin ninyo si Filologo at si Julia, si Nereo at ang kaniyang kapatid na babae, at si Olimpas, at ang lahat ng mga banal na kasama nila. 16Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo.

17Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran, laban sa mga aral na inyong nangapagaralan: at kayo'y magsilayo sa kanila. 18Sapagka't ang mga gayon ay hindi nagsisipaglingkod sa Cristong Panginoon, kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at maiinam na mga talumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay. 19Sapagka't ang inyong pagtalima ay naging bantog sa lahat ng mga tao. Kaya't nagagalak ako tungkol sa inyo: datapuwa't ibig ko na kayo'y maging marunong sa kabutihan, at musmos sa kasamaan. 20At si Satanas ay dudurugin ng Dios ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo.

21Binabati kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa; at ni Lucio at ni Jason at ni Sosipatro, na aking mga kamaganak.

22Akong si Tercio, na sumusulat ng sulat na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon.

23Binabati kayo ni Gayo na pinanunuluyanan ko, at ng buong iglesia. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng bayan, at ng kapatid na si Cuarto. 24Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyong lahat. Siya nawa.

25At ngayon sa kaniya na makapangyarihan na sa inyo'y makapagpapatibay ayon sa aking evangelio at sa pangangaral ni Jesucristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan. 26Datapuwa't nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ayon sa ipinagutos ng Dios na walang hanggan, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa upang magsitalima sa pananampalataya: 27Sa iisang Dios na marunong, sa pamamagitan ni Jesucristo, na sumasa kaniya ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Romans 15
Top of Page
Top of Page