2 Mga Taga-Corinto 11
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Kahimanawari'y mapagtiisan ninyo ako sa kaunting kamangmangan: nguni't tunay na ako'y inyong pinagtitiisan. 2Sapagka't ako'y naninibugho tungkol sa inyo ng panibughong ukol sa Dios: sapagka't kayo'y aking pinapagasawa sa isa, upang kayo'y maiharap ko kay Cristo na tulad sa dalagang malinis. 3Nguni't ako'y natatakot, baka sa anomang paraan, kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain. 4Sapagka't kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo. 5Sapagka't inaakala kong sa anoman ay hindi ako huli sa lubhang mga dakilang apostol. 6Datapuwa't bagaman ako ay magaspang sa pananalita, gayon ma'y hindi ako sa kaalaman; hindi, kundi sa lahat ng paraan ay ipinahayag namin ito sa inyo.

7Ako nga baga'y nagkasala sa pagpapakababa ko sa aking sarili, upang kayo'y mangataas dahil sa ipinangaral ko sa inyo na walang bayad ang evangelio ng Dios? 8Aking sinamsaman ang ibang mga iglesia, sa pagtanggap ko ng upa sa kanila, upang ipangasiwa ko sa inyo; 9At pagka ako'y kaharap ninyo at ako'y nagkukulang ng ikabubuhay, ako'y hindi naging pasan sa kanino man; sapagka't mga kapatid nang sila'y manggaling sa Macedonia ay tumakip ng aming pangangailangan; at sa lahat ng mga bagay ay pinagingatan kong huwag maging pasanin ninyo, at magiingat nga ako. 10Kung paanong nasa akin ang katotohanan ni Cristo, sinoman ay hindi makapipigil sa akin sa pagmamapuring ito sa mga dako ng Acaya. 11Bakit? sapagka't hindi ko baga kayo iniibig? Nalalaman ng Dios.

12Datapuwa't ang aking ginagawa ay siya kong gagawin, upang maputol ko ang kadahilanan sa mga nagnanasa ng kadahilanan; upang sa anomang ipinagmamapuri nila ay mangasumpungan sila na gaya namin. 13Sapagka't ang mga gayong tao ay mga bulaang apostol, mga magdarayang manggagawa, na nangagpapakunwaring mga apostol ni Cristo. 14At hindi katakataka: sapagka't si Satanas man ay nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan. 15Hindi malaking bagay nga na ang kaniyang mga ministro naman ay magpakunwari na waring ministro ng katuwiran; na ang kanilang wakas ay masasangayon sa kanilang mga gawa.

16Muling sinasabi ko, Huwag isipin ng sinoman na ako'y mangmang; nguni't kung gayon, gayon ma'y tanggapin ninyo akong gaya ng isang mangmang, upang ako naman ay makapagmapuri ng kaunti. 17Ang ipinangungusap ko ay hindi ko ipinangungusap ayon sa Panginoon, kundi gaya ng sa kamangmangan, sa pagkakatiwalang ito sa pagmamapuri. 18Yamang maraming nagmamapuri ayon sa laman, ako nama'y magmamapuri. 19Sapagka't pinagtitiisan ninyo na may kasayahan ang mga mangmang, palibhasa'y marurunong kayo. 20Sapagka't inyong pinagtitiisan ang sinoman, kung kayo'y inaalipin, kung kayo'y sinasakmal, kung kayo'y binibihag, kung siya'y nagpapalalo, kung kayo'y sinasampal sa mukha. 21Sinasalita ko ang tungkol sa kapulaan, na wari ay naging mahina kami. Nguni't kung ang sinoman ay matapang sa anoman (nangungusap ako sa kamangmangan), ako'y matapang din naman. 22Sila baga'y mga Hebreo? ako man. Sila baga'y mga Israelita? ako man. Sila baga'y binhi ni Abraham? ako man. 23Sila baga'y mga ministro ni Cristo? (ako'y nangungusap na waring nasisira ang bait) lalo pa ako; sa pagpapagal ako'y lubhang sagana, sa mga bilangguan ay lubhang madalas, sa mga palo ay walang bilang, sa mga ikamamatay ay malimit. 24Sa mga Judio ay makalimang tumanggap ako ng tigaapat na pung palo, kulang ng isa. 25Makaitlong ako'y hinampas ng mga panghampas, minsan ako'y binato, makaitlong ako'y nabagbag, isang araw at isang gabi na ako'y nasa kalaliman ng dagat; 26Sa mga paglalakbay ay madalas, sa mga kapanganiban sa mga ilog, sa mga kapanganiban sa mga tulisan, sa mga kapanganiban sa aking mga kababayan, sa mga kapanganiban sa mga Gentil, sa mga kapanganiban sa bayan, sa mga kapanganiban sa mga ilang, sa mga kapanganiban sa dagat, sa mga kapanganiban sa gitna ng mga bulaang kapatid; 27Sa pagpapagal at sa pagdaramdam, sa mga pagpupuyat ay madalas, sa gutom at uhaw, mga pagaayuno ay madalas, sa ginaw at kahubaran. 28Bukod sa mga bagay na yaon, ay may umiinis sa akin sa araw-araw, ang kabalisahan dahil sa lahat ng mga iglesia. 29Sino ang nanghina, at ako'y hindi nanghina? Sino ang napapatisod, at ako'y di nagdaramdam?

30Kung kinakailangang ako'y magmapuri, ako'y magmamapuri sa mga bagay na nauukol sa aking kahinaan. 31Ang Dios at Ama ng Panginoong Jesus, na mapalad magpakailan pa man, ang nakakaalam na ako'y hindi nagsisinungaling. 32Sa Damasco ay binantayan ng gobernador na sakop ng haring Aretas ang bayan ng mga taga Damasco, upang ako'y hulihin: 33At sa isang dungawan, ay napahugos ako sa kuta, sa isang balaong, at ako'y nakatanan sa kanilang mga kamay.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

2 Corinthians 10
Top of Page
Top of Page