1 Mga Taga-Corinto 4
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Ipalagay nga kami ng sinoman na mga ministro ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Dios. 2Bukod dito'y kinakailangan sa mga katiwala, na ang bawa't isa ay maging tapat. 3Datapuwa't sa ganang akin ay isang bagay na totoong maliit ang ako'y siyasatin ninyo, o ng pagsisiyasat ng tao: oo, ako'y hindi nagsisiyasat sa aking sarili. 4Sapagka't wala akong nalalamang anomang laban sa aking sarili; bagaman hindi dahil dito'y inaaring-ganap ako: sapagka't ang nagsisiyasat sa akin ay ang Panginoon. 5Kaya nga huwag muna kayong magsihatol ng anoman, hanggang sa dumating ang Panginoon, na siya ang maghahayag ng mga bagay na nalilihim sa kadiliman, at ipahahayag naman ang mga haka ng mga puso; at kung magkagayon ang bawa't isa ay magkakaroon ng kapurihan sa Dios.

6Ang mga bagay ngang ito, mga kapatid, ay inianyo ko sa halimbawa sa aking sarili at kay Apolos dahil sa inyo; upang sa amin ay mangatuto kayo na huwag magsihigit sa mga bagay na nangasusulat; upang ang sinoman sa inyo ay huwag magpalalo ang isa laban sa iba. 7Sapagka't sino ang gumawa na ikaw ay matangi? at anong nasa iyo na hindi mo tinanggap? nguni't kung tinanggap mo, ay bakit mo ipinagmamapuri na tulad sa hindi mo tinanggap?

8Kayo'y mga busog na, kayo'y mayayaman na, kayo'y nangaghari nang wala kami: at ibig ko sanang mangaghari kayo, upang kami nama'y mangagharing kasama ninyo. 9Sapagka't iniisip ko, na pinalitaw ng Dios kaming mga apostol na mga kahulihulihan sa lahat, na tulad sa mga itinalaga sa kamatayan: sapagka't kami'y ginawang panoorin ng sanglibutan, at ng mga anghel, at ng mga tao. 10Kami'y mga mangmang dahil kay Cristo, nguni't kayo'y marurunong kay Cristo; kami'y mahihina, nguni't kayo'y malalakas; kayo'y may karangalan, datapuwa't kami ay walang kapurihan. 11Hanggang sa oras na ito'y nangagugutom kami, at nangauuhaw, at mga hubad, at mga tinampal, at wala kaming tiyak na tahanan; 12At kami'y nangagpapagal, na nangagsisigawa ng aming sariling mga kamay: bagama't inuupasala, ay kami'y nangagpapala; bagama't mga pinaguusig, ay nangagtitiis kami; 13Bagama't mga sinisiraangpuri, ay aming pinamamanhikan: kami'y naging tulad ng yagit sa sanglibutan, sukal ng lahat ng mga bagay hanggang ngayon.

14Hindi ko isinusulat ang mga bagay na ito upang kayo'y hiyain, kundi upang paalalahanan kayong tulad sa aking mga minamahal na anak. 15Sapagka't bagaman mangagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala nga kayong maraming mga ama; sapagka't kay Cristo Jesus ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng evangelio. 16Ipinamamanhik ko nga sa inyo, na kayo'y maging mga tagatulad sa akin. 17Dahil dito'y aking sinugo sa inyo si Timoteo, na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siya ang sa inyo'y magpapaalaala ng aking mga daang nanga kay Cristo, gaya ng itinuturo ko saan mang dako sa bawa't iglesia. 18Ang mga iba nga'y nangagpapalalo, na waring hindi na ako mapapariyan sa inyo. 19Nguni't ako'y paririyan agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon; at aking aalamin, hindi ang salita ng nangagpapalalo, kundi ang kapangyarihan. 20Sapagka't ang kaharian ng Dios ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan. 21Anong ibig ninyo? paririyan baga ako sa inyo na may panghampas, o sa pagibig, at sa espiritu ng kahinahunan?



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

1 Corinthians 3
Top of Page
Top of Page