1 Juan 5
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Ang sinomang nananampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Dios: at ang bawa't umiibig sa nanganak ay umiibig din naman sa ipinanganak niyaon. 2Dito'y ating nakikilala na tayo'y nagsisiibig sa mga anak ng Dios, pagka tayo'y nagsisiibig sa Dios at tinutupad natin ang kaniyang mga utos. 3Sapagka't ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat. 4Sapagka't ang sinomang ipinanganak ng Dios ay dumadaig sa sanglibutan: at ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang ating pananampalataya.

5At sino ang dumadaig sa sanglibutan, kundi yaong nananampalatayang si Jesus ay anak ng Dios? 6Ito yaong naparito sa pamamagitan ng tubig at dugo, sa makatuwid ay si Jesucristo; hindi sa tubig lamang, kundi sa tubig at sa dugo. 7At ang Espiritu ang nagpapatotoo, sapagka't ang Espiritu ay katotohanan. 8Sapagka't may tatlong nagpapatotoo, ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo: at ang tatlo ay nagkakaisa. 9Kung tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ay lalong dakila ang patotoo ng Dios, sapagka't ito ang patotoo ng Dios: sapagka't ito papatotoo tungkol sa kaniyang Anak. 10Ang nananampalataya sa Anak ng Dios ay may patotoo sa kaniya: ang hindi nananampalataya sa Dios ay ginagawang isang sinungaling ang Dios: sapagka't hindi sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Dios tungkol sa kaniyang Anak. 11At ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. 12Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay.

13Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo, upang inyong maalaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan, sa makatuwid ay sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Dios. 14At ito ang nasa ating pagkakatiwala sa kaniya, na kung tayo'y humingi ng anomang bagay na ayon sa kaniyang kalooban, ay dinidinig tayo niya: 15At kung ating nalalaman na tayo'y dinidinig niya sa anomang ating hingin, ay nalalaman natin na nasa atin ang mga kahilingang sa kaniya'y ating hiningi.

16Kung makita ng sinoman na ang kaniyang kapatid ay nagkakasala ng kasalanang hindi ikamamatay, ay idalangin siya at bibigyan siya ng Dios ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala nang hindi ikamamatay. May kasalanang ikamamatay: hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin niya. 17Lahat ng kalikuan ay kasalanan: at may kasalanang hindi ikamamatay.

18Nalalaman natin na ang sinomang ipinanganak ng Dios ay hindi nagkakasala; datapuwa't ang ipinanganak ng Dios ay nagiingat sa kaniyang sarili, at hindi siya ginagalaw ng masama. 19Nalalaman natin na tayo'y sa Dios at ang buong sanglibutan ay nakahilig sa masama. 20At nalalaman natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo'y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala siya na totoo, at tayo'y nasa kaniya na totoo, sa makatuwid ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Ito ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.

21Mga anak ko, mangagingat kayo sa mga diosdiosan.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

1 John 4
Top of Page
Top of Page