Mga Taga-Filipos 4
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magsitibay nga kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.

2Ipinamamanhik ko kay Euodias, at ipinamamanhik ko kay Sintique, na mangagkaisa ng pagiisip sa Panginoon. 3Oo, ipinamamanhik ko rin naman sa iyo, tapat na kasama sa pagtulong, na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagka't sila'y nangagpagal na kasama ko sa evangelio, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nangasa aklat ng buhay.

4Mangagalak kayong lagi sa Panginoon: muli kong sasabihin, Mangagalak kayo. 5Makilala nawa ang inyong kahinhinan ng lahat ng mga tao. Ang Panginoon ay malapit na. 6Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios. 7At ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, ay magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Cristo Jesus.

8Katapustapusan, mga kapatid, anomang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalanggalang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito. 9Ang mga bagay na inyong natutuhan at tinanggap at narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo: at ang Dios ng kapayapaan ay sasa inyo.

10Datapuwa't ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa kahulihulihan ay inyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nangagkaroon kayo ng malasakit, nguni't kayo'y nagkulang ng mabuting pagkakataon. 11Hindi sa sinasabi ko ang tungkol sa kailangan: sapagka't aking natutuhan ang masiyahan sa anomang kalagayang aking kinaroroonan. 12Marunong akong magpakababa, at marunong naman akong magpakasagana: sa bawa't bagay at sa lahat ng bagay ay natutuhan ko ang lihim maging sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan. 13Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin. 14Gayon man ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian.

15At kayo mga taga Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimulan ang evangelio, nang ako'y umalis sa Macedonia, alin mang iglesia ay walang nakipagkaisa sa akin sa pagkakaloob at pagtanggap kundi kayo lamang; 16Sapagka't sa Tesalonica ay nagpadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan. 17Hindi sa ako'y naghahanap ng kaloob; kundi hinahanap ko ang bunga na dumadami sa ganang inyo. 18Datapuwa't mayroon ako ng lahat ng bagay, at sumasagana: ako'y busog, palibhasa'y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo, na isang samyo ng masarap na amoy, isang handog na kaayaaya, na lubhang nakalulugod sa Dios. 19At pupunan ng aking Dios ang bawa't kailangan ninyo ayon sa kaniyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus. 20Ngayon nawa'y suma ating Dios at Ama ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.

21Batiin ninyo ang bawa't banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko. 22Binabati kayo ng lahat ng mga banal, lalong lalo na ng mga kasangbahay ni Cesar.

23Ang biyaya ng Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawang espiritu.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Philippians 3
Top of Page
Top of Page