Numbers 23
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At sinabi ni Balaam kay Balac, Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at ng pitong tupang lalake. 2At ginawa ni Balac gaya ng sinalita ni Balaam; at si Balac at si Balaam ay naghandog sa bawa't dambana ng isang toro at ng isang tupang lalake. 3At sinabi ni Balaam kay Balac, Tumayo ka sa tabi ng iyong handog na susunugin, at ako'y yayaon; marahil ang Panginoon ay paririto na sasalubungin ako: at anomang bagay na kaniyang ipakita sa akin ay aking sasaysayin sa iyo. At siya'y naparoon sa isang dakong mataas na walang tanim.

4At sinalubong ng Dios si Balaam: at sinabi niya sa kaniya, Aking inihanda ang pitong dambana, at aking inihandog ang isang toro at ang isang tupang lalake sa bawa't dambana. 5At nilagyan ng Panginoon ng salita ang bibig ni Balaam, at sinabi: Bumalik ka kay Balac, at ganito ang iyong sasalitain. 6At siya'y bumalik sa kaniya, at, narito, siya'y nakatayo sa tabi ng kaniyang handog na susunugin, siya at ang lahat ng mga prinsipe sa Moab.

7At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Mula sa Aram ay dinala ako rito ni Balac, Niyang hari sa Moab, na mula sa mga bundok ng Silanganan: Parito ka, sumpain mo sa akin ang Jacob. At parito ka, laitin mo ang Israel.

8Paanong aking susumpain ang hindi sinumpa ng Dios? At paanong aking lalaitin ang hindi nilait ng Panginoon?

9Sapagka't mula sa taluktok ng mga bato ay aking nakikita siya, At mula sa mga burol ay akin siyang natatanawan: Narito, siya'y isang bayang tatahang magisa, At hindi ibinibilang sa gitna ng mga bansa.

10Sinong makabibilang ng alabok ng Jacob, O ng bilang ng ikaapat na bahagi ng Israel? Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matuwid, At ang aking wakas ay magiging gaya nawa ng kaniya!

11At sinabi ni Balac kay Balaam, Anong ginawa mo sa akin? Ipinagsama kita upang sumpain mo ang aking mga kaaway, at, narito, iyong pinagpala silang totoo. 12At siya'y sumagot, at nagsabi, Hindi ba nararapat na aking pagingatang salitain yaong isinasa bibig ko ng Panginoon?

13At sinabi sa kaniya ni Balac, Isinasamo ko sa iyo, na sumama ka sa akin sa ibang dako, na iyong pagkakakitaan sa kanila; ang iyo lamang makikita ay ang kahulihulihang bahagi nila, at hindi mo makikita silang lahat: at sumpain mo sila sa akin mula roon. 14At dinala niya siya sa parang ng Sophim, sa taluktok ng Pisga, at nagtayo roon ng pitong dambana, at naghandog ng isang toro, at ng isang tupang lalake sa bawa't dambana. 15At kaniyang sinabi kay Balac, Tumayo ka rito sa tabi ng iyong handog na susunugin, samantalang aking sinasalubong ang Panginoon doon. 16At sinalubong ng Panginoon si Balaam, at pinapagsalita siya ng salita sa kaniyang bibig, at sinabi, bumalik ka kay Balac, at ganito ang iyong sasalitain. 17At siya'y naparoon sa kaniya, at, narito, siya'y nakatayo sa tabi ng kaniyang handog na susunugin, at ang mga prinsipe sa Moab na kasama niya. At sinabi sa kaniya ni Balac, Anong sinalita ng Panginoon?

18At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinghaga, at sinabi, Tumindig ka, Balac, at iyong dinggin; Makinig ka sa akin, ikaw anak ni Zippor:

19Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, Ni anak ng tao na magsisisi; Sinabi ba niya, at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya, at hindi niya isasagawa?

20Narito, ako'y tumanggap ng utos na magpala: At kaniyang pinagpala, at hindi ko na mababago.

21Wala siyang nakitang kasamaan sa Jacob, Ni wala siyang nakitang kasamaan sa Israel: Ang Panginoon niyang Dios ay sumasa kaniya, At ang sigaw ng hari ay nasa gitna nila.

22Dios ang naglalabas sa kanila sa Egipto; Siya'y may lakas na gaya ng mabangis na toro.

23Tunay na walang enkanto laban sa Jacob, Ni panghuhula laban sa Israel: Ngayo'y sasabihin tungkol sa Jacob at sa Israel, Anong ginawa ng Dios!

24Narito, ang bayan ay tumitindig na parang isang leong babae, At parang isang leon na nagpakataas: Siya'y hindi mahihiga hanggang sa makakain ng huli, At makainom ng dugo ng napatay.

25At sinabi ni Balac kay Balaam, Ni huwag mo silang pakasumpain ni pakapagpalain. 26Nguni't si Balaam ay sumagot at nagsabi kay Balac, Di ba isinaysay ko sa iyo, na sinasabi, Yaong lahat na sinasalita ng Panginoon, ay siya kong nararapat gawin?

27At sinabi ni Balac kay Balaam, Halika ngayon, ipagsasama kita sa ibang dako; marahil ay kalulugdan ng Dios na iyong sumpain sila sa akin mula roon. 28At ipinagsama ni Balac si Balaam sa taluktok ng Peor, na nakatungo sa ilang. 29At sinabi ni Balaam kay Balac, Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at ng pitong tupang lalake. 30At ginawa ni Balac gaya ng sinabi ni Balaam, at naghandog ng isang toro at ng isang tupang lalake sa bawa't dambana.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Numbers 22
Top of Page
Top of Page