Lucas 5
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Nangyari nga, na samantalang siya'y sinisiksik ng karamihan na pinakikinggan ang salita ng Dios, na siya'y nakatayo sa tabi ng dagatdagatan ng Genezaret; 2At nakakita siya ng dalawang daong na nasa tabi ng dagatdagatan: datapuwa't nagsilunsad sa mga yaon ang mga mamamalakaya, at hinuhugasan ang kanilang mga lambat. 3At lumulan siya sa isa sa mga daong, na kay Simon, at ipinamanhik niya dito na ilayo ng kaunti sa lupa. At siya'y naupo at nagturo sa mga karamihan buhat sa daong. 4At pagtigil niya ng pagsasalita, ay sinabi niya kay Simon, Pumaroon ka sa laot, at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang mamalakaya. 5At sumagot si Simon at sinabi, Guro, sa buong magdamag ay nagsipagpagal kami, at wala kaming nahuli: datapuwa't sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat. 6At nang magawa nila ito, ay nakahuli sila ng lubhang maraming isda; at nagkampupunit ang kanilang mga lambat; 7At kinawayan nila ang mga kasamahan sa isang daong upang magsilapit at sila'y tulungan. At sila'y nagsilapit at nangapuno ang dalawang daong, ano pa't sila'y nagpasimulang lulubog. 8Datapuwa't nang makita ni Simon Pedro, ay nagpatirapa sa mga tuhod ni Jesus, na nagsasabi, Lumayo ka sa akin; sapagka't ako'y taong makasalanan, Oh Panginoon. 9Sapagka't siya at ang lahat ng kasama niya ay nagsipanggilalas, dahil sa karamihan ng mga isdang kanilang nangahuli: 10At gayon din si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasama ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, Huwag kang matakot; mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao. 11At nang maisadsad na nila sa lupa ang kanilang mga daong, ay iniwan nila ang lahat, at nagsisunod sa kaniya.

12At nangyari, samantalang siya'y nasa isa sa mga bayan, narito, may isang lalake na lipos ng ketong: at nang makita niya si Jesus, ay nagpatirapa siya, at namanhik sa kaniya, na sinasabi, Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring linisin mo ako. 13At iniunat niya ang kaniyang kamay at siya'y hinipo, na sinasabi, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka'y nilisan siya ng ketong. 14At ipinagbilin niya sa kaniya na huwag sabihin kanino man: kundi yumaon ka ng iyong lakad, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo, alinsunod sa iniutos ni Moises, na pinakapatotoo sa kanila. 15Datapuwa't lalo nang kumakalat ang balita tungkol sa kaniya: at nangagkatipon ang lubhang maraming tao upang makinig, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit. 16Datapuwa't siya'y lumigpit sa mga ilang, at nananalangin.

17At nangyari nang isa sa mga araw na yaon, na siya'y nagtuturo; at may nangakaupo doong mga Fariseo at mga guro sa kautusan, na nagsipanggaling sa bawa't nayon ng Galilea at Judea at Jerusalem: at ang kapangyarihan ng Panginoon ay sumasa kaniya upang magpagaling. 18At narito, dinala ng mga tao na nasa isang higaan ang isang lalaking lumpo: at pinagpipilitan niyang maipasok siya, at ilagay siya sa harap nila. 19At sa hindi pagkasumpong ng mapagpapasukan, dahil sa karamihan, ay nagsiakyat sila sa bubungan ng bahay, at siya'y inihugos mula sa butas ng bubungan pati ng kaniyang higaan, sa gitna, sa harapan ni Jesus. 20At pagkakita sa kanilang pananampalataya, ay kaniyang sinabi, Lalake, ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan. 21At ang mga eskriba at mga Fariseo ay nangagpasimulang mangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Sino ito na nagsasalita ng mga kapusungan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan, kundi ang Dios lamang? 22Datapuwa't si Jesus, na nakatatanto ng kanilang mga iniisip, ay sumagot at sinabi sa kanila, Bakit pinagbubulaybulay ninyo sa inyong mga puso? 23Alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka at lumakad ka? 24Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi niya sa lumpo), Sa iyo ko sinasabi, Magtindig ka, at buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo. 25At pagdaka'y nagtindig siya sa harap nila, at binuhat ang kaniyang hinigan, at napasa kaniyang bahay, na niluluwalhati ang Dios. 26At nagsipanggilalas ang lahat at niluwalhati nila ang Dios; at nangapuspos sila ng takot, na nangagsasabi, Nakakita kami ngayon ng mga bagay na katakataka.

27At pagkatapos ng mga bagay na ito, siya'y umalis, at nakita ang isang maniningil ng buwis, na nagngangalang Levi, na nakaupo sa paningilan ng buwis, at sinabi sa kaniya, Sumunod ka sa akin. 28At iniwan niya ang lahat at nagtindig at sumunod sa kaniya.

29At siya'y ipinagpiging ng malaki ni Levi sa kaniyang bahay: at lubhang maraming maniningil ng buwis at mga iba pa na nangakasalo nila sa dulang. 30At nangagbulongbulungan ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Bakit kayo'y nagsisikain at nagsisiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan? 31At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kanila, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot; kundi ang mga may sakit. 32Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi.

33At sinabi nila sa kaniya, Ang mga alagad ni Juan ay nangagaayunong madalas, at nagsisigawa ng mga pagdaing; gayon din ang mga alagad ng mga Fariseo; datapuwa't ang mga iyo'y nagsisikain at nagsisiinom. 34At sinabi ni Jesus sa kanila, Mangyayari bagang papagayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila? 35Datapuwa't darating ang mga araw; at pagka inalis sa kanila ang kasintahang lalake, kung magkagayo'y mangagaayuno sila sa mga araw na yaon. 36At sinalita rin naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Walang taong pumilas sa bagong damit at itinagpi sa damit na luma; sa ibang paraa'y sisirain ang bago, at sa luma naman ay hindi bagay ang tagping mula sa bago. 37At walang taong nagsisilid ng alak na bago sa mga balat na luma; sa ibang paraa'y papuputukin ng alak na bago ang mga balat, at mabububo, masisira ang mga balat. 38Kundi dapat isilid ang alak na bago sa mga bagong balat. 39At walang taong nakainom ng alak na laon, ay iibig sa alak na bago; sapagka't sasabihin niya, Mabuti ang laon.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Luke 4
Top of Page
Top of Page