Lucas 15
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Nagsisilapit nga sa kaniya ang lahat ng mga maniningil ng buwis at makasalanan upang makinig sa kaniya. 2At ang mga Fariseo at gayon din ang mga eskriba ay nangagbubulongbulungan, na nangagsasabi, Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at sumasalo sa kanila.

3At sinalita niya sa kanila ang talinghagang ito, na sinasabi, 4Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon ay hindi iiwan ang siyam na pu't siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito'y kaniyang masumpungan? 5At pagka nasumpungan niya, ay pinapasan niya sa kaniyang balikat, na natutuwa. 6At paguwi niya sa tahanan, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at ang kaniyang mga kapitbahay, na sasabihin sa kanila, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka't nasumpungan ko ang aking tupang nawala. 7Sinasabi ko sa inyo, na gayon din magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kay sa siyam na pu't siyam na taong matutuwid na di nangagkakailangang magsipagsisi.

8O aling babae na may sangpung putol na pilak, na kung mawalan siya ng isang putol, ay hindi baga magpapaningas ng isang ilawan, at wawalisan ang bahay, at hahanaping masikap hanggang sa ito'y masumpungan niya? 9At pagka nasumpungan niya, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na sinasabi, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka't nasumpungan ko ang isang putol na nawala sa akin. 10Gayon din, sinasabi ko sa inyo, na may tuwa sa harapan ng mga anghel ng Dios, dahil sa isang makasalanang nagsisisi.

11At sinabi niya, May isang tao na may dalawang anak na lalake: 12At sinabi sa kaniyang ama ng bunso, Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng iyong kayamanang nauukol sa akin. At binahagi niya sa kanila ang kaniyang pagkabuhay. 13At hindi nakaraan ang maraming araw, ay tinipong lahat ng anak na bunso ang ganang kaniya, at naglakbay sa isang malayong lupain; at doo'y inaksaya ang kaniyang kabuhayan sa palunging pamumuhay. 14At nang magugol na niyang lahat, ay nagkaroon ng isang malaking kagutom sa lupaing yaon; at siya'y nagpasimulang mangailangan. 15At pumaroon siya at nakisama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing yaon; at sinugo niya siya sa kaniyang mga parang, upang magpakain ng mga baboy. 16At ibig sana niyang mabusog ang kaniyang tiyan ng mga ipa na kinakain ng mga baboy: at walang taong magbigay sa kaniya. 17Datapuwa't nang siya'y makapagisip ay sinabi niya, Ilang mga alilang upahan ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, at ako rito'y namamatay ng gutom? 18Magtitindig ako at paroroon sa aking ama, at aking sasabihin sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: 19Hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo: gawin mo akong tulad sa isa sa iyong mga alilang upahan. 20At siya'y nagtindig, at pumaroon sa kaniyang ama. Datapuwa't samantalang nasa malayo pa siya, ay natanawan na siya ng kaniyang ama, at nagdalang habag, at tumakbo, at niyakap siya sa leeg, at siya'y hinagkan. 21At sinabi ng anak sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo. 22Datapuwa't sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin, Dalhin ninyo ritong madali ang pinakamabuting balabal, at isuot ninyo sa kaniya; at lagyan ninyo ng singsing ang kaniyang kamay, at mga panyapak ang kaniyang mga paa: 23At kunin ninyo ang pinatabang guya, at inyong patayin, at tayo'y magsikain, at mangagkatuwa: 24Sapagka't patay na ang anak kong ito, at muling nabuhay; siya'y nawala, at nasumpungan. At sila'y nangagpasimulang mangagkatuwa.

25Nasa bukid nga ang anak niyang panganay: at nang siya'y dumating at malapit sa bahay, ay narinig niya ang tugtugan at ang sayawan. 26At pinalapit niya sa kaniya ang isa sa mga alipin, at itinanong kung ano kaya ang mga bagay na yaon. 27At sinabi niya sa kaniya, Dumating ang kapatid mo; at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya'y tinanggap niya na ligtas at magaling. 28Datapuwa't nagalit siya, at ayaw pumasok: at lumabas ang kaniyang ama, at siya'y namanhik sa kaniya. 29Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kaniyang ama, Narito, maraming taon nang kita'y pinaglilingkuran, at kailan ma'y hindi ako sumuway sa iyong utos; at gayon ma'y hindi mo ako binigyan kailan man ng isang maliit na kambing, upang ipakipagkatuwa ko sa aking mga kaibigan: 30Datapuwa't nang dumating itong anak mong umubos ng iyong pagkabuhay sa mga patutot, ay ipinagpatay mo siya ng pinatabang guya. 31At sinabi niya sa kaniya, Anak, ikaw ay palaging nasa akin, at iyo ang lahat ng akin. 32Datapuwa't karapatdapat mangagkatuwa at mangagsaya tayo: sapagka't patay ang kapatid mong ito, at muling nabuhay; at nawala, at nasumpungan.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Luke 14
Top of Page
Top of Page