Tagalog: Ang Dating Biblia 1At nangyari, nang siya'y nananalangin sa isang dako, nang siya'y matapos, ay sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, Panginoon, turuan mo kaming manalangin, na gaya naman ni Juan na nagturo sa kaniyang mga alagad. 2At sinabi niya sa kanila, Pagka kayo'y nagsisipanalangin, inyong sabihin, Ama, Sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. 3Ibigay mo sa amin arawaraw ang aming pangarawaraw na kakanin. 4At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan; sapagka't aming pinatawad naman ang bawa't may utang sa amin. At huwag mo kaming ihatid sa tukso. 5At sinabi niya sa kanila, Sino sa inyo ang magkakaroon ng isang kaibigan, at paroroon sa kaniya sa hating gabi, at sa kaniya'y sasabihin, Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay; 6Sapagka't dumarating sa akin na galing sa paglalakbay ang isa kong kaibigan, at wala akong maihain sa kaniya; 7At siya na mula sa loob ay sasagot at sasabihin, Huwag mo akong bagabagin: nalalapat na ang pinto, at kasama ko sa hihigan ang aking mga anak; hindi ako makabangon at makapagbigay sa iyo? 8Sinasabi ko sa inyo, Kahit siya'y hindi bumangon, at magbigay sa kaniya, dahil sa siya'y kaibigan niya, gayon ma'y dahil sa kaniyang pagbagabag ay siya'y magbabangon at ibibigay gaano man ang kinakailangan niya. 9At sinasabi ko sa inyo, Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakakasumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan. 10Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan. 11At aling ama sa inyo, na kung humingi ang kaniyang anak ng isang tinapay, ay bibigyan niya siya ng isang bato? o ng isang isda kaya, at hindi isda ang ibibigay, kundi isang ahas? 12O kung siya'y humingi ng itlog, kaniyang bibigyan kaya siya ng alakdan? 13Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng Espiritu Santo sa nagsisihingi sa kaniya? 14At nagpalabas siya ng isang demoniong pipi. At nangyari, nang makalabas na ang demonio, ang pipi ay nangusap; at nangagtaka ang mga karamihan. 15Datapuwa't sinabi ng ilan sa kanila, Sa pamamagitan ni Beelzebub, na pangulo ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio. 16At ang mga iba sa pagtukso sa kaniya'y hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit. 17Datapuwa't siya, na nakatataho ng mga pagiisip nila, sa kanila'y sinabi, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay magkakawatakwatak; at ang sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa sangbahayan ay nagigiba. 18At kung si Satanas naman ay nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili, paanong mananatili ang kaniyang kaharian? sapagka't sinasabi ninyong sa pamamagitan ni Beelzebub nagpapalabas ako ng mga demonio. 19At kung nagpapalabas ako ng mga demonio sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino sila pinalalabas ng inyong mga anak? kaya nga, sila ang inyong magiging mga hukom. 20Nguni't kung sa pamamagitan ng daliri ng Dios ay nagpapalabas ako ng mga demonio, dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios. 21Pagka ang lalaking malakas na nasasandatahang lubos ay nagbabantay sa kaniyang sariling looban, ang kaniyang mga pag-aari ay wala sa panganib. 22Datapuwa't kung siya'y datnan ng ibang lalong malakas kay sa kaniya, at siya'y matalo, ay kukunin nito sa kaniya ang lahat ng kaniyang sandata na kaniyang inaasahan, at ipamamahagi ang mga nasamsam sa kaniya. 23Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat. 24Pagka ang karumaldumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig, na humahanap ng kapahingahan, at pagka hindi makasumpong, ay sinasabing, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko. 25At pagdating niya ay nasusumpungang walis na at nagagayakan. 26Kung magkagayo'y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama pa kay sa kaniya; at sila'y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una. 27At nangyari, na nang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ang isang babaing mula sa karamihan ay naglakas ng kaniyang tinig at sinabi sa kaniya, Mapalad ang tiyang sa iyo'y nagdala, at ang mga dibdib na iyong sinusuhan. 28Datapuwa't sinabi niya, Oo, bagkus na lalong mapapalad ang nangakikinig ng salita ng Dios, at ito'y ginaganap. 29At nang ang mga karamihan ay nangagkakatipon sa kaniya, ay nagpasimula siyang magsabi, Ang lahing ito'y isang masamang lahi: siya'y humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ni Jonas. 30Sapagka't kung paanong si Jonas ay naging tanda sa mga Ninivita, ay gayon din naman ang Anak ng tao sa lahing ito. 31Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng mga tao ng lahing ito, at sila'y hahatulan: sapagka't siya'y naparitong galing sa mga wakas ng lupa, upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon. 32Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Ninive na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas. 33Walang taong pagkapagpaningas niya ng isang ilawan, ay ilalagay sa isang dakong tago, ni sa ilalim man ng takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw, upang ang nagsisipasok ay makita ang ilaw. 34Ang ilawan ng katawan mo ay ang iyong mata: kung magaling ang iyong mata, ang buong katawan mo naman ay puspos ng liwanag; datapuwa't kung ito'y may sakit, ang katawan mo nama'y puspos ng kadiliman. 35Masdan mo nga kung ang ilaw na nasa iyo ay baka kadiliman. 36Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay puspos ng liwanag, na walang anomang bahaging madilim, ito'y lubos na mapupuspos ng liwanag, na gaya ng pagliliwanag sa iyo ng ilawang may liwanag na maningning. 37Samantala ngang siya'y nagsasalita, ay inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya: at siya'y pumasok, at naupo sa dulang. 38At nang makita ito ng Fariseo, ay nagtaka na siya'y hindi muna naghugas bago mananghali. 39At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Gayon nga kayong mga Fariseo na nililinis ninyo ang dakong labas ng saro at ng pinggan; datapuwa't ang loob ninyo'y puno ng panglulupig at kasamaan. 40Kayong mga haling, di baga ang gumawa ng dakong labas ay siya ring gumawa ng dakong loob? 41Datapuwa't ilimos ninyo ang mga bagay na nasa kalooban; at narito, ang lahat ng mga bagay ay malilinis sa inyo. 42Datapuwa't sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, at ng ruda, at ng bawa't gugulayin, at pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pagibig ng Dios: datapuwa't dapat ngang gawin ninyo ang mga ito, at huwag pabayaan di ginagawa ang mga yaon. 43Sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't inyong iniibig ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan. 44Sa aba ninyo! sapagka't kayo'y tulad sa mga libingang hindi nakikita, at di nalalaman ng mga taong nagsisilakad sa ibabaw nila. 45At pagsagot ng isa sa mga tagapagtanggol ng kautusan, ay nagsabi sa kaniya, Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong pinupulaan. 46At sinabi niya, Sa aba rin naman ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasang mahihirap dalhin, at hindi man lamang ninyo hinihipo ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasan. 47Sa aba ninyo! sapagka't inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, at ang mga yao'y pinatay ng inyong mga magulang. 48Kayo nga'y mga saksi at nagsisisangayon sa mga gawa ng inyong mga magulang: sapagka't pinatay ng mga ito ang mga yaon, at itinatayo ninyo ang kanilang mga libingan. 49Kaya nga, sinasabi naman ng karunungan ng Dios, Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; at ilan sa kanila ay kanilang papatayin at paguusigin; 50Upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta, na ibinubo buhat nang itatag ang sanglibutan; 51Mula sa dugo ni Abel, hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuario: oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito. 52Sa aba ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inalis ninyo ang susi ng karunungan: hindi kayo nagsipasok, at inyong sinasansala ang nagsisipasok. 53At paglabas niya roon, ay nangagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na higpitang mainam siya, at akitin siyang magsalita ng maraming mga bagay; 54Na siya'y inaabangan, upang makahuli sa kaniyang bibig ng anoman. Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain. Bible Hub |