Ecclesiastes 8
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Sino ang gaya ng pantas na lalake? at sinong nakakaalam ng kahulugan ng isang bagay? Ang karunungan ng tao ay nagpapasilang ng kaniyang mukha, at ang katigasan ng kaniyang mukha ay nababago.

2Ipinapayo ko sa iyo, ingatan mo ang utos ng hari, at siya'y dahil sa sumpa ng Dios. 3Huwag kang magmadaling umalis sa kaniyang harapan; huwag kang mamalagi sa masamang bagay: sapagka't kaniyang ginagawa ang anomang kaniyang kalugdan. 4Sapagka't ang salita ng hari ay may kapangyarihan; at sinong makapagsasabi sa kaniya, Anong ginagawa mo?

5Ang nagiingat ng utos ay hindi makakaalam ng masamang bagay; at ang puso ng pantas ay nagbubulay ng panahon at kahatulan: 6Sapagka't sa bawa't panukala ay may kapanahunan at kahatulan; sapagka't ang karalitaan ng tao ay malaki sa kaniya: 7Sapagka't hindi niya nalalaman ang mangyayari; sapagka't sinong makapagsasaysay sa kaniya, kung paanong mangyayari? 8Walang tao na may kapangyarihan sa diwa upang pumigil ng diwa; ni walang kapangyarihan siya sa kaarawan ng kamatayan; at walang dahilan sa pakikipagpunyaging yaon: ni maililigtas siya ng kasamaan, na taglay niya. 9Lahat ng ito ay nakita ko, at inihilig ko ang aking puso sa bawa't gawa, na nagawa sa ilalim ng araw: may panahon na ang isa ay may kapangyarihan sa isa sa kaniyang kapahamakan.

10At gayon din nakita ko ang masama na nakalibing, at nagsidating sa hukay; at silang nagsigawa ng matuwid ay nagsialis sa dakong banal, at nalimutan sa bayan: ito man ay walang kabuluhan. 11Sapagka't ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad, kaya't ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubos na nangalalagak sa paggawa ng kasamaan. 12Bagaman ang makasalanan ay gumawa ng kasamaan na makaisang daan, at humaba ang kaniyang buhay, gayon ma'y tunay, na talastas ko, na ikabubuti nilang nangatatakot sa Dios, na nangatatakot sa harap niya: 13Nguni't hindi ikabubuti ng masama, ni hahaba man ang kaniyang buhay na parang isang anino; sapagka't siya'y hindi natatakot sa harap ng Dios.

14May walang kabuluhan na nangyayari sa lupa; na may mga matuwid na tao na kinapapangyarihan ng ayon sa gawa ng masama; muli, may mga masamang tao na kinapapangyarihan ng ayon sa gawa ng matuwid; aking sinabi, na ito man ay walang kabuluhan. 15Nang magkagayo'y pinuri ko ang kalayawan, sapagka't ang tao ay walang maiging bagay sa ilalim ng araw, kundi ang kumain, at uminom, at magsaya: sapagka't tatahang kasama niya sa kaniyang gawa lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay na ibinigay ng Dios sa kaniya sa ilalim ng araw.

16Nang aking ikiling ang aking puso upang makaalam ng karunungan, at upang makakita ng gawain na ginagawa sa lupa: (sapagka't may hindi nakakakita ng tulog ng kahit araw o gabi man ng kaniyang mga mata:) 17Namasdan ko nga ang lahat ng gawa ng Dios, na hindi matalastas ng tao ang gawa na ginagawa sa ilalim ng araw: sapagka't sikaping mainam man ng tao na hanapin, ay hindi rin masusumpungan; oo, bukod dito, bagaman isipin ng pantas na maalaman hindi rin niya masusumpungan.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Ecclesiastes 7
Top of Page
Top of Page