2 Chronicles 10
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At si Roboam ay naparoon sa Sichem: sapagka't ang buong Israel ay naparoon sa Sichem upang gawin siyang hari. 2At nangyari, nang mabalitaan ni Jeroboam na anak ni Nabat (sapagka't siya'y nasa Egipto, na siya niyang tinakasan mula sa harap ng haring Salomon,) na si Jeroboam ay bumalik mula sa Egipto. 3At sila'y nangagsugo at ipinatawag nila siya; at si Jeroboam at ang buong Israel ay nagsiparoon, at sila'y nagsipagsalita kay Roboam, na nagsisipagsabi, 4Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin: ngayon nga'y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang atang na iniatang niya sa amin, at kami ay magsisipaglingkod sa iyo. 5At sinabi niya sa kanila, Magsiparito uli kayo sa akin pagkatapos ng tatlong araw. At ang bayan ay yumaon.

6At ang haring Roboam ay kumuhang payo sa mga matanda na nagsitayo sa harap ni Salomon na kaniyang ama samantalang siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, Anong payo ang ibinibigay ninyo sa akin upang magbalik ng sagot sa bayang ito? 7At sila'y nagsipagsalita sa kaniya, na nagsisipagsabi, Kung ikaw ay magmagandang loob sa bayang ito, at iyong pagbigyang loob sila, at magsalita ng mga mabuting salita sa kanila, iyo ngang magiging lingkod sila magpakailan man. 8Nguni't iniwan niya ang payo ng mga matanda na kanilang ibinigay sa kaniya, at kumuhang payo sa mga binata na nagsilaking kasabay niya, na nagsitayo sa harap niya. 9At sinabi niya sa kanila, Anong payo ang ibinibigay ninyo, upang maibalik nating sagot sa bayang ito, na nagsalita sa akin, na sinasabi, Pagaanin mo ang atang na iniatang ng iyong ama sa amin? 10At ang mga binata na nagsilaki na kasabay niya, ay nagsipagsalita sa kaniya, na nagsisipagsabi, Ganito ang iyong sasabihin sa bayan na nagsalita sa iyo, na sinasabi, Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin, nguni't pagaanin mo sa amin; ganito ang iyong sasabihin sa kanila, Ang aking kalingkingan ay makapal kay sa mga balakang ng aking ama. 11At sa paraan ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na atang, aking dadagdagan pa ang atang sa inyo: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit, nguni't parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.

12Sa gayo'y naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Roboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari na sinasabi, Magsibalik kayo sa akin sa ikatlong araw. 13At ang hari ay sumagot sa kanila na may katigasan, at iniwan ng haring Roboam ang payo ng mga matanda. 14At nagsalita sa kanila ayon sa payo ng mga binata, na sinasabi, Pinabigat ng aking ama ang atang sa inyo, nguni't aking dadagdagan pa: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit, nguni't parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan. 15Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan: sapagka't buhat sa Dios, upang itatag ng Panginoon ang kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Ahias na Silonita kay Jeroboam na anak ni Nabat.

16At nang makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, sumagot ang bayan sa hari, na sinasabi, Anong bahagi mayroon kami kay David? wala man kaming mana sa anak ni Isai: bawa't tao sa inyo-inyong tolda, Oh Israel: ngayo'y ikaw ang bahala ng iyong sariling sangbahayan, David. Sa gayo'y yumaon ang buong Israel sa kanikanilang tolda.

17Nguni't tungkol sa mga anak ni Israel na nagsisitahan sa mga bayan ng Juda, pinagharian sila ni Roboam. 18Nang magkagayo'y sinugo ng haring Roboam si Adoram, na nasa buwisan; at binato siya ng mga bato ng mga anak ni Israel, na anopa't siya'y namatay. At ang haring Roboam ay nagmadaling sumampa sa kaniyang karo, upang tumakas sa Jerusalem. 19Gayon nanghimagsik ang Israel laban sa sangbahayan ni David, hanggang sa araw na ito.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

2 Chronicles 9
Top of Page
Top of Page