Tagalog: Ang Dating Biblia 1Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na nagsasabi,
2Ikaw ay tumayo sa pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, at itanyag mo roon ang salitang ito, at iyong sabihin, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong lahat na nasa Juda, na nagsisipasok sa mga pintuang-daang ito upang magsisamba sa Panginoon.
3Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Inyong pabutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at akin kayong patatahanin sa dakong ito.
4Huwag kayong magsitiwala sa mga kabulaanang salita, na nangagsasabi, Ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ay ang mga ito.
5Sapagka't kung inyong lubos na pabubutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa; kung kayo'y lubos na magsisigawa ng kahatulan sa isang tao at sa kaniyang kapuwa.
6Kung hindi ninyo pipighatiin ang makikipamayan, ang ulila, at ang babaing bao, at hindi kayo magbububo ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga dios sa inyong sariling kapahamakan.
7Ay patatahanin ko nga kayo sa dakong ito, sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga magulang mula ng una hanggang sa walang hanggan. 8Narito, kayo'y nagsisitiwala sa mga kabulaanang salita, na hindi mapapakinabangan. 9Kayo baga'y mangagnanakaw, magsisipatay, at mangangalunya at magsisisumpa ng kabulaanan, at mangagsusunog ng kamangyan kay Baal, at magsisisunod sa ibang mga dios na hindi ninyo nakikilala. 10At magsisiparito at magsisitayo sa harap ko sa bahay na ito, na tinatawag sa aking pangalan, na mangagsasabi, Kami ay laya; upang inyong gawin ang lahat na kasuklamsuklam na ito? 11Ang bahay bagang ito na tinawag sa aking pangalan, naging yungib ng mga tulisan sa harap ng inyong mga mata? Narito, ako, ako nga ang nakakita, sabi ng Panginoon. 12Nguni't magsiparoon kayo ngayon sa aking dako na nasa Silo, na siyang aking pinagpatahanan ng aking pangalan nang una, at inyong tingnan kung ano ang aking ginawa dahil sa kasamaan ng aking bayang Israel. 13At ngayon, sapagka't inyong ginawa ang lahat ng gawang ito, sabi ng Panginoon, at nagsalita ako sa inyo, na ako'y bumabangong maaga at nagsasalita, nguni't hindi ninyo dininig: at aking tinawag kayo, nguni't hindi kayo sumagot: 14Kaya't gagawin ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, na inyong tinitiwalaan, at sa dakong ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, ang gaya ng aking ginawa sa Silo. 15At akin kayong itatakuwil sa aking paningin, gaya ng pagkatakuwil ko sa lahat ninyong mga kapatid, sa buong binhi ni Ephraim. 16Kaya't huwag mong idalangin ang bayang ito, ni palakasin man ang daing patungkol sa kanila ni dalangin man, o mamagitan man ikaw sa akin; sapagka't hindi kita didinggin. 17Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 18Ang mga anak ay nangamumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nangagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nangagmamasa ng masa, upang igawa ng mga tinapay ang reina ng langit, at upang magbuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga dios, upang kanilang mungkahiin ako sa galit. 19Kanila baga akong minumungkahi sa galit? sabi ng Panginoon; hindi baga sila namumungkahi sa kanilang sarili sa ikalilito ng kanila ring mukha? 20Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ang aking galit at ang aking kapusukan ay mabubuhos sa dakong ito, sa tao, at sa hayop, at sa mga punong kahoy sa parang, at sa bunga ng lupa: at masusupok, at hindi mapapatay. 21Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Inyong idagdag ang inyong mga handog na susunugin sa inyong mga hain, at magsikain kayo ng laman. 22Sapagka't hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nagutos man sa kanila nang araw na inilabas ko sila sa lupain ng Egipto, tungkol sa mga handog na susunugin, o sa mga hain: 23Kundi ang bagay na ito ang iniutos ko sa kanila, na aking sinasabi, Inyong dinggin ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Dios, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, sa ikabubuti ninyo. 24Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso, at nagsiyaong paurong at hindi pasulong. 25Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay magsilabas sa lupain ng Egipto hanggang sa araw na ito, aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw ay bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila: 26Gayon ma'y hindi sila nangakinig sa akin, o nangagkiling man ng kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg: sila'y nagsigawa ng lalong masama kay sa kanilang mga magulang. 27At iyong sasalitain ang lahat na salitang ito sa kanila; nguni't hindi sila mangakikinig sa iyo: iyo namang tatawagin sila; nguni't hindi sila magsisisagot sa iyo. 28At iyong sasabihin sa kanila, Ito ang bansang hindi nakinig sa tinig ng Panginoon nilang Dios, o tumanggap man ng aral: katotohanan ay nawala, at nahiwalay sa kanilang bibig. 29Iyong gupitin ang iyong buhok, Oh Jerusalem, at ihagis mo, at maglakas ka ng panaghoy sa mga luwal na kaitaasan; sapagka't itinakuwil ng Panginoon at nilimot ang lahat ng kaniyang poot. 30Sapagka't nagsigawa ang mga anak ni Juda ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon: kanilang inilagay ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang lapastanganin. 31At kanilang itinayo ang mga mataas na dako ng Topheth, na nasa libis ng anak ni Hinnom, upang sunugin ang kanilang mga anak na lalake at babae sa apoy; na hindi ko iniuutos, o pumasok man sa aking pagiisip. 32Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Topheth, o ang libis ng anak ni Hinnom man, kundi Ang libis ng Patayan: sapagka't sila'y mangaglilibing sa Topheth, hanggang sa mawalan ng dakong mapaglilibingan. 33At ang mga bangkay ng bayang ito ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga yaon. 34Kung magkagayo'y aking ipatitigil sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, ang tinig ng kalayawan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalake at ang tinig ng kasintahang babae: sapagka't ang lupain ay masisira. Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain. Bible Hub |