Isaiah 53
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Sinong naniwala sa aming balita? at kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?

2Sapagka't siya'y tumubo sa harap niya na gaya ng sariwang pananim, at gaya ng ugat sa tuyong lupa: walang anyo o kagandahan man; at pagka ating minamasdan siya ay walang kagandahan na mananais tayo sa kaniya.

3Siya'y hinamak at itinakuwil ng mga tao; isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman: at gaya ng isa na pinagkublihan ng kanilang mukha ng mga tao, na siya'y hinamak, at hindi natin hinalagahan siya.

4Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan; gayon ma'y ating pinalagay siya na hinampas, sinaktan ng Dios, at dinalamhati.

5Nguni't siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.

6Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat.

7Siya'y napighati, gayon man nang siya'y dinalamhati ay hindi nagbuka ng kaniyang bibig; gaya ng kordero na dinadala sa patayan, at gaya ng tupang nasa harap ng mga manggugupit sa kaniya ay pipi, gayon ma'y hindi niya binuka ang kaniyang bibig.

8Sa pamamagitan ng kapighatian at kahatulan ay dinala siya: at tungkol sa kaniyang lahi, sino sa kanila ang gumunita na siya'y nahiwalay sa lupain ng buhay? dahil sa pagsalangsang ng aking bayan ay nasaktan siya.

9At ginawa nila ang kaniyang libingan na kasama ng mga masama, at kasama ng isang lalaking mayaman sa kaniyang kamatayan; bagaman hindi siya gumawa ng pangdadahas, o wala mang anomang karayaan sa kaniyang bibig.

10Gayon ma'y kinalugdan ng Panginoon na mabugbog siya; inilagay niya siya sa pagdaramdam: pagka iyong gagawin ang kaniyang kaluluwa na pinakahandog dahil sa kasalanan, makikita niya ang kaniyang lahi, pahahabain niya ang kaniyang mga kaarawan, at ang pagkalugod ng Panginoon ay lalago sa kaniyang kamay.

11Siya'y makakakita ng pagdaramdam ng kaniyang kaluluwa at masisiyahan: sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman ay aariing ganap ng aking matuwid na lingkod ang marami; at dadalhin niya ang kanilang mga kasamaan.

12Kaya't hahatian ko siya ng bahagi na kasama ng dakila, at kaniyang hahatiin ang samsam na kasama ng malakas; sapagka't kaniyang idinulot ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan, at ibinilang na kasama ng mga mananalangsang: gayon ma'y dinala niya ang kasalanan ng marami, at namagitan sa mga mananalangsang.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Isaiah 52
Top of Page
Top of Page