Esther 2
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Pagkatapos ng mga bagay na ito, nang mapayapa ang pagiinit ng haring Assuero kaniyang inalaala si Vasthi, at kung ano ang kaniyang ginawa, at kung ano ang ipinasiya laban sa kaniya. 2Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na nagsisipaglingkod sa kaniya: Ihanap ng magagandang batang dalaga ang hari: 3At maghalal ang hari ng mga pinuno sa lahat ng mga lalawigan ng kaniyang kaharian, upang kanilang mapisan ang lahat na magandang batang dalaga sa Susan na bahay-hari, sa bahay ng mga babae, sa pamamahala ni Hegai, na kamarero ng hari, na tagapagingat ng mga babae; at ibigay sa kanila ang kanilang mga bagay na kailangan sa paglilinis: 4At ang dalaga na kalugdan ng hari ay maging reina na kahalili ni Vasthi. At ang bagay ay nakalugod sa hari; at ginawa niyang gayon.

5May isang Judio sa Susan na bahay-hari, na ang pangala'y Mardocheo, na anak ni Jair, na anak ni Simi, na anak ni Cis na Benjamita; 6Na nadala mula sa Jerusalem na kasama ng mga bihag na nangadalang kasama ni Jechonias na hari sa Juda, na dinala ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia. 7At pinalaki niya si Hadasa, sa makatuwid baga'y si Esther, na anak na babae ng kaniyang amain: sapagka't siya'y wala kahit ama o ina man, at ang dalaga ay maganda at may mabuting anyo; at nang mamatay ang kaniyang ama't ina inari siya ni Mardocheo na parang tunay na anak.

8Sa gayo'y nangyari nang mabalitaan ang utos ng hari at ang kaniyang pasiya, at nang napipisan ang maraming dalaga sa Susan na bahay-hari, sa pamamahala ni Hegai, na si Esther ay dinala sa bahay ng hari, sa pamamahala ni Hegai, na tagapagingat sa mga babae. 9At ang dalaga ay nakalugod sa kaniya, at nilingap niya; at nagbigay siyang madali sa kaniya ng mga bagay na ukol sa paglilinis, pati ng mga bahagi niya, at ng pitong dalaga na marapat na ibigay sa kaniya, na mula sa bahay ng hari: at inilipat niya siya at ang kaniyang mga dalaga sa pinaka mabuting dako ng bahay ng mga babae. 10Hindi ipinakilala ni Esther ang kaniyang bayan o ang kaniyang kamaganakan man; sapagka't ibinilin sa kaniya ni Mardocheo na huwag niyang ipakilala. 11At si Mardocheo ay lumakad araw-araw sa harap ng looban ng bahay ng mga babae, upang maalaman kung anong ginagawa ni Esther, at kung ano ang mangyayari sa kaniya.

12Nang sumapit nga ang paghahalihalili ng bawa't dalaga na pasukin ang haring Assuero, pagkatapos na magawa sa kaniya ang ayon sa kautusan sa mga babae, na labing dalawang buwan, (sapagka't ganito nagaganap ang mga araw ng kanilang paglilinis, sa makatuwid baga'y anim na buwan na ma'y langis na mirra, at anim na buwan na may mainam na pabango, at ng mga bagay na ukol sa paglilinis ng mga babae.) 13Sa ganito ngang paraan naparoroon ang dalaga sa hari: Na anomang kaniyang nasain ay ibinibigay sa kaniya upang yumaong kasama niya na mula sa bahay ng mga babae hanggang sa bahay ng hari. 14Sa kinahapunan ay naparoroon siya, at sa kinaumagahan ay bumabalik siya sa ikalawang bahay ng mga babae, sa pamamahala ni Saasgaz, na kamarero ng hari, na nagiingat sa mga babae; hindi na niya pinapasok ang hari malibang ang hari ay malugod sa kaniya, at siya'y tawagin sa pangalan.

15Nang sumapit ang paghalili nga ni Esther, na anak ni Abihail, na amain ni Mardocheo, na umaring anak kay Esther, upang pasukin ang hari, wala siyang tinamong anoman, kundi ang ibinigay ni Hegai na kamarero ng hari, na tagapagingat sa mga babae. At si Esther ay nilingap ng lahat na nakakita sa kaniya. 16Sa gayo'y dinala si Esther sa haring Assuero sa loob ng kaniyang bahay-hari, nang ikasangpung buwan na siyang buwan ng Tebeth nang ikapitong taon ng kaniyang paghahari.

17At sininta ng hari si Esther ng higit kay sa lahat na babae, at siya'y nilingap at minahal na higit kay sa lahat na dalaga; na anopa't kaniyang ipinutong ang putong na pagkareina sa kaniyang ulo, at ginawa siyang reina na kahalili ni Vasthi. 18Nang magkagayo'y gumawa ang hari ng malaking kapistahan sa kaniyang lahat na prinsipe at kaniyang mga lingkod, sa makatuwid baga'y kapistahan ni Esther; at siya'y gumawa ng pagpapatawad ng sala sa mga lalawigan, at nagbigay ng mga kaloob, ayon sa kalooban ng hari.

19At nang mapisan na ikalawa ang mga dalaga, naupo nga si Mardocheo sa pintuang-daan ng hari. 20Hindi pa ipinakikilala ni Esther ang kaniyang kamaganakan o ang kaniyang bayan man; gaya ng ibinilin sa kaniya ni Mardocheo: sapagka't ginawa ni Esther ang utos ni Mardocheo, na gaya ng siya'y palakihing kasama niya.

21Sa mga araw na yaon, samantalang nauupo si Mardocheo sa pintuang-daan ng hari, dalawa sa kamarero ng hari, si Bigthan at si Teres, sa nangagiingat ng pintuan, ay nangapoot at nangagaakalang buhatan ng kamay ang haring Assuero. 22At ang bagay ay naalaman ni Mardocheo na siyang nagturo kay Esther na reina: at sinaysay ni Esther sa hari, sa pangalan ni Mardocheo. 23At nang siyasatin ang bagay at masumpungang gayon, sila'y kapuwa binigti sa punong kahoy: at nasulat sa aklat ng mga alaala sa harap ng hari.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Esther 1
Top of Page
Top of Page