1 Chronicles 19
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At nangyari, pagkatapos nito, na si Naas na hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at ang kaniyang anak ay naghari na kahalili niya. 2At sinabi ni David, Ako'y magpapakita ng kagandahang loob kay Hanan na anak ni Naas, sapagka't ang kaniyang ama ay nagpakita ng kagandahang loob sa akin. Sa gayo'y nagsugo si David ng mga sugo upang aliwin siya tungkol sa kaniyang ama. At ang mga lingkod ni David ay naparoon sa lupain ng mga anak ni Ammon kay Hanan, upang aliwin siya. 3Nguni't sinabi ng mga prinsipe ng mga anak ni Ammon kay Hanan: Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, na siya'y nagsugo ng mga mangaaliw sa iyo? hindi ba ang kaniyang mga lingkod ay nagsiparito sa iyo upang kilalanin, at upang gibain, at upang tiktikan ang lupain? 4Sa gayo'y sinunggaban ni Hanan ang mga lingkod ni David, at inahitan, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna hanggang sa kanilang pigi, at sila'y pinayaon. 5Nang magkagayo'y may nagsiparoong ilan at nagsipagsaysay kay David kung paanong dinuwahagi ang mga lalake. At kaniyang sinugong salubungin sila; sapagka't ang mga lalake ay nangapahiyang mainam. At sinabi ng hari, Kayo'y magsipaghintay sa Jerico hanggang sa ang inyong balbas ay tumubo, at kung magkagayo'y magsibalik kayo.

6At nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging nakapopoot kay David, si Hanan at ang mga anak ni Ammon ay nagpadala ng isang libong talentong pilak, upang mangupahan sila ng mga karo at mga mangangabayo na mula sa Mesopotamia, at mula sa Aram-maacha, at mula sa Soba. 7Sa gayo'y nangupahan sila ng tatlongpu't dalawang libong karo, at sa hari sa Maacha at sa kaniyang bayan; na siyang pumaroon at humantong sa harap ng Medeba. At ang mga anak ni Ammon ay nagpipisan mula sa kanilang mga bayan, at nagsiparoon upang makipagbaka. 8At nang mabalitaan ni David, ay kaniyang sinugo si Joab at ang buong hukbo ng makapangyarihang mga lalake. 9At ang mga anak ni Ammon, ay nagsilabas, at nagsihanay ng pakikipagbaka sa pintuan ng bayan: at ang mga hari na nagsiparoon ay nangagisa sa parang.

10Nang makita nga ni Joab na ang pagbabaka ay nahahanay laban sa kaniya sa harapan at sa likuran, pinili niya yaong mga piling lalake ng Israel, at inihanay laban sa mga taga Siria. 11At ang nalabi sa bayan ay kaniyang ipinamahala sa kapangyarihan ng kaniyang kapatid na si Abisai, at sila'y nagsihanay laban sa mga anak ni Ammon. 12At sinabi niya, Kung ang mga taga Siria ay manaig sa akin, iyo ngang tutulungan ako: nguni't kung ang mga anak ni Ammon ay manaig sa iyo, akin ngang tutulungan ka. 13Magpakatapang kang mabuti, at tayo'y magpakalalake para sa ating bayan, at sa mga bayan ng ating Dios: at gawin ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti. 14Sa gayo'y si Joab at ang bayan na nasa kaniya ay nagsilapit sa harap ng mga taga Siria sa pakikipagbaka; at sila'y nagsitakas sa harap niya. 15At nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga Siria ay nagsitakas, sila ma'y nagsitakas sa harap ni Abisai na kaniyang kapatid, at nagsipasok sa bayan. Nang magkagayo'y si Joab ay naparoon sa Jerusalem.

16At nang makita ng mga taga Siria na sila'y nalagay sa kasamaan sa harap ng Israel, sila'y nagsipagsugo ng mga sugo, at dinala ang mga taga Siria na nandoon sa dako roon ng Ilog, na kasama ni Sophach na punong kawal ng hukbo ni Adarezer sa kanilang unahan. 17At nasaysay kay David; at kaniyang pinisan ang buong Israel, at tumawid sa Jordan, at naparoon sa kanila, at humanay laban sa kanila. Sa gayo'y nang humanay sa pakikipagbaka si David laban sa mga taga Siria, sila'y nangakipaglaban sa kaniya. 18At ang mga taga Siria ay nagsitakas sa harap ng Israel; at si David ay pumatay sa mga taga Siria ng mga tao sa pitong libong karo, at apat na pung libong naglalakad, at pinatay si Sophach na pinunong kawal ng hukbo. 19At nang makita ng mga lingkod ni Adarezer na sila'y nangalagay sa kasamaan sa harap ng Israel, sila'y nakipagpayapaan kay David, at nangaglingkod sa kaniya: ni hindi na tumulong pa ang mga taga Siria sa mga anak ni Ammon.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

1 Chronicles 18
Top of Page
Top of Page