2 Samuel 9
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At sinabi ni David, May nalalabi pa ba sa sangbahayan ni Saul, upang aking mapagpakitaan ng kagandahang loob dahil kay Jonathan? 2At may isang lingkod sa sangbahayan ni Saul na nagngangalang Siba, at kanilang tinawag siya sa harap ni David; at sinabi ng hari sa kaniya, Ikaw ba'y si Siba? At kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod nga. 3At sinabi ng hari, wala na ba kayang natitira sa sangbahayan ni Saul, upang aking mapagpakitaan siya ng kagandahang loob ng Dios? At sinabi ni Siba sa hari, Si Jonathan ay may isang anak pa, na pilay ang kaniyang mga paa. 4At sinabi ng hari sa kaniya, Saan nandoon siya? At sinabi ni Siba sa hari, Narito, siya'y nasa bahay ni Machir na anak ni Amiel, sa Lo-debar. 5Nang magkagayo'y nagsugo ang haring si David at ipinakuha siya sa bahay ni Machir na anak ni Amiel mula sa Lo-debar. 6At si Mephiboseth, na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, ay naparoon kay David, at nagpatirapa sa kaniyang harap, at nagbigay galang. At sinabi ni David, Mephiboseth. At siya'y sumagot: Narito, ang iyong lingkod! 7At sinabi ni David sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka't aking tunay na pagpapakitaan ka ng kagandahang loob dahil kay Jonathan na iyong ama, at aking isasauli ang buong lupa ni Saul na iyong ama, sa iyo; at ikaw ay parating kakain ng pagkain sa aking dulang. 8At siya'y nagbigay galang at nagsabi, Ano ang iyong lingkod upang iyong lingapin akong isang asong patay?

9Nang magkagayo'y tinawag ng hari si Siba na lingkod ni Saul, at sinabi sa kaniya, Lahat ng nauukol kay Saul at sa buong kaniyang sangbahayan ay aking ibinigay sa anak ng iyong panginoon. 10At iyong bubukirin ang lupain para sa kaniya, ninyo ng iyong mga anak, at ng iyong mga bataan at iyong dadalhin dito ang mga bunga, upang ang anak ng iyong panginoon ay magkaroon ng tinapay na makakain: nguni't si Mephiboseth na anak ng iyong panginoon ay kakain ng tinapay kailan man sa aking dulang. Si Siba nga ay may labing limang anak at dalawang pung bataan. 11Nang magkagayo'y sinabi ni Siba sa hari, Ayon sa lahat na iniutos ng aking panginoon na hari sa kaniyang lingkod, ay gayon gagawin ng iyong lingkod. Tungkol kay Mephiboseth, sinabi ng hari, Siya'y kakain sa aking dulang na gaya ng isa sa mga anak ng hari. 12At si Mephiboseth ay may isang anak na binata, na ang pangalan ay Micha. At lahat na nagsisitahan sa bahay ni Siba ay mga bataan ni Mephiboseth. 13Gayon tumahan si Mephiboseth sa Jerusalem: sapagka't siya'y kumaing palagi sa dulang ng hari. At siya'y pilay sa kaniyang dalawang paa.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

2 Samuel 8
Top of Page
Top of Page