Psalm 140
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Iligtas mo ako, Oh Panginoon, sa masamang tao; ingatan mo ako sa marahas na tao:

2Na nagaakala ng kasamaan sa kanilang puso: laging nagpipipisan sila sa pagdidigma.

3Kanilang inihasa ang kanilang dila na parang ahas; kamandag ng mga ahas ay nasa kanilang mga labi. (Selah)

4Ingatan mo ako, Oh Panginoon, sa mga kamay ng masama; ingatan mo ako sa marahas na tao: na nagakalang iligaw ang aking mga hakbang.

5Ipinagkubli ako ng palalo ng silo, at ng mga panali; kanilang ipinaglagay ako ng bating sa tabi ng daan; sila'y naglagay ng mga silo na ukol sa akin. (Selah)

6Aking sinabi sa Panginoon. Ikaw ay Dios ko: Pakinggan mo ang tinig ng aking mga dalangin, Oh Panginoon.

7Oh Dios na Panginoon, na kalakasan ng aking kaligtasan, iyong tinakpan ang ulo ko sa kaarawan ng pagbabaka.

8Huwag mong ipagkaloob, Oh Panginoon, ang mga nasa ng masama; huwag mong papangyarihin ang kaniyang masamang haka; baka sila'y mangagmalaki. (Selah)

9Tungkol sa ulo niyaong nagsisikubkob sa aking palibot, takpan sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.

10Mahulog sa kanila ang mga bagang nagniningas: mangahagis sila sa apoy; sa mga malalim na hukay, upang huwag na silang mangakabangon uli.

11Ang mapagsalita ng masama ay hindi matatatag sa lupa: huhulihin ng kasamaan ang marahas na lalake upang ibuwal siya.

12Nalalaman ko na aalalayan ng Panginoon ang usap ng nagdadalamhati, at ang matuwid ng mapagkailangan.

13Walang pagsalang ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan: ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Psalm 139
Top of Page
Top of Page